Napakadami ng kahulugang naihahayag
ng salitang pag-ibig sa bawat isa sa atin. Napakamakapangyarihan rin nitong
salita kung saan naman malaking epekto ang maaaring maidulot nito sa iisang
indibidwal. Ang pag-ibig ay may iba't ibang klase ayon kay C.S. lewis (1960,
1988). Mayroong pagmamahal na base sa pagiging pamilyar at paulit ulit na
interaksyon sa isang tao, mayroon namang base sa pagkakapareho ng interes na
may kaakibat na kooperasyon, respeto at pagkakaunawa sa isa’t isa, mayroon ring
pag-ibig na may pinagsamang tamis at pait at yung huling klase na kung saan ay
ang isang tao ay nagmamahal ng walang hinihintay na kahit anumang kapalit.
Marami pang ibang klase ang pag-ibig bukod pa rito ngunit sa ngayon, ito na
lang muna ang ating pagtutuunan ng pansin.
Isang katangian ng pag-ibig na
aming nagustuhan ng aking kasintahan ay ang pagiging malaya nito. Ang pag-ibig
ay walang pinipiling kasarian. Para sa kanya, ako raw ang nakapagbukas ng kanyang
mga mata mula sa nakakapangbulag na pagkamuhi sa salitang ito. Hindi ko alam
kung galit ba siya sa pag-ibig na pangmagkarelasyon kasi nakikita ko naman sa
kanya na sobra ang pagmamahal niya sa sarili niya pagdating sa kanyang pamilya.
Mayroon daw palang pag-ibig dahil sa akin. Nahanap niya ang pag-ibig sa isang
taong kagaya ko. Sakripisyo, isa rin daw ito sa mga ginagawa ng pag-ibig sa
isang tao. Panganib, lagi ring may kaakibat na panganib ito.. Napakatotoo rin
daw nito dahil siya at ako ang bumubuo sa pag-ibig para sa kanya.
Sa kabila nito, ano nga ba ang
kahulugan ng pag-ibig sa sakin? Simple lang naman. Siya ang aking pag-ibig. Oo,
mahal ko rin naman ang aking pamilya pero alam nating lahat na magkakaroon rin
sila ng iba pang pamilya bukod sa atin. Magkakahiwalay hiwalay rin ang bawat
miyembro nito. “Iba!” Iyan ang salitang palaging nasa isipan ko sa
tuwing kasama ko siya. Nag-iiba kasi lahat. Yung lungkot sa aking mukha ay
napapawi at napapalitan ng malaking ngiti. Sobrang saya ng bawat araw na makakasama
mo siya. Iba nga naman talaga ang naidudulot nito sa tao ano? Nagkakaroon ka ng
inspirasyon para mangarap pa ng mas mataas sa buhay makasama lang siya.
Magpupursige ka sa lahat ng ginagawa mo. Isang magandang ehemplong naibibigay
nito ay sa aking pag-aaral, pano ba naman kasi, gugustuhin mong bigyan siya ng
magandang kinabukasan. Hindi ko akalaing matuto rin akong magmahal ng ganito.
Mahal ko talaga siya.
Ano nga ba ang unang tula? Sa aming
paaralan ay may isang organisasyon na mahilig sa pagsusulat ng mga tula at kung
anu-ano pa. Kabilang siya dito sa organisasyong ito. May maliit na programa
silang inihahanda taun-taon. Pilit niya akong inaaya sa pangayaring magaganap
na ito. Mapapersonal na pag-aanyaya o mapa-internet man ay talagang gusto niya
akong makadalo. Sa wakas at napapayag niya na rin ako. Pagkadalo namin sa
programa ay bigla siyang lumapit sa isa pang kamiyembro ng kanyang organisasyon
at nagpalista. Mga ilang minuto pagkatapos nun ay tinawag siya di umano ng
taong nagsasalita sa harapan. Nakita ko sakanya nakinakabahan siya at dahil
dun, bigla na rin akong kinabahan. Nagsalita siya, “CC..” Iyan pala yung
pamagat ng kanyang tula. Maluha-luha ako sa unang tulang ibinigkas niya sa
harap ng madla. Ang tamis ng bawat salitang nasa loob ng kanyang ginawang tula.
Walang katulad. Sa loob loob ko ay, hindi ko maipaliwanag ang kaganapan. Magulo
ngunit naliwanagan ako. Nakakalungkot yung ibang parte ngunit pinasaya rin ako
na may tao palang pinahahalagahan ako. Hindi ko mailalahad ang eksaktong tulang
ginawa niya sa akin dahil sa kasamaang palad ay nalimutan ko kung saan ko
nailagay ito. Sa sobrang ayaw ko na makita to ng iba, sa sobrang damot ko, ito
tuloy ang nangyari. May tiwala naman akong mahahanap ko siya uli. Pero, kung
sakali mang hindi ko na siya mahanap, ayos lang dahil nasa akin parin naman
siya. Nandito lang naman siya sa tabi ko. Hindi ko naman kailangan ng mga
salita niya. Siya lang, sapat na. Pagkatapos nung programa ay umuwi na kami
agad ng nagtatawanan at sobrang saya.
Ang pagmamahalan namin ay hindi
normal sa mga mata ng maraming tao. Ngunit sa kabila nito, hindi namin
hinahayaang masira ng ibang tao ang pagmamahal na para sa amin ay walang
ginagawang masama. Nagpapakatatag kami dahil ginusto namin ‘to. Dahil mahal
namin ang isa’t isa. Mahirap man ang sitwasyon naming kinakaharap dahil hindi
pa ito tinatanggap ng lahat ng tao pero malaki ang tiwala namin na kaya naming
tibagin ang mga pader na humaharang sa aming harapan.
Napakarami ko pang nais sabihin
ngunit ayaw ko sa puro salita lang. Mas gagawin kong mas marami ang gawa kaysa
sa salita. Ang pag-ibig ay walang pinipiling tao. Wala itong pinipiling
kasarian. Basta’t alam mo sa sarili mo na mahal mo siya, wag na wag mong
papakawalan ang isang tao hangga’t pwede ipaglaban. Normal lang sa isang
relasyon na nagkakatampuhan. Huwag niyo lang hahayaang isa ang kikilos para
maayos ito, sa lahat ng bagay ay dapat kayong dalawa ang magdedesisyo, dapat
palaging pinag-uusapan ng mahinahon ang lahat at dapat mahalin mo ang tao kung
ano siya. Kung pipili man ako ng isa sa klase ng pagmamahal na binigyang
kahulugan ni C.S Lewis, ang pipiliin ko ay yung pag-ibig na walang hinihintay
na kapalit. Ganyan ang pag-ibig naibinibigay ko sakanya.
Reference:
Lewis,C.S. (1960.1988) Study Guides to The Four Types of Love, Retrieved on 22 May 2015 from
Lewis,C.S. (1960.1988) Study Guides to The Four Types of Love, Retrieved on 22 May 2015 from
No comments:
Post a Comment