Friday, March 13, 2015

“Gusto RIN kita.”


Ito na siguro ang mga katagang pinakahihintay marinig ng isang tao mula sa kanyang hinahangaan. In fact, hindi naman masamang mangarap di ba?
Lahat naman tayo nagkaroon na ng taong masasabi nating minsan nang nagpangiti at nagpakilig sa atin. Yung tipong gagaan ang sirang sira mong araw kapag nakatabi mo lang siya sa pila sa canteen. O kaya naman ay sa simpleng ngiti o “hi” lang mula sa taong yun, tila ba sasabog ka na sa sobrang kilig hanggang sa dumating sa puntong hindi mo na alam ang sasabihin mo kapag kausap mo siya dahil sa kabang nararamdaman mo kapag nakaharap mo na siya.
Anuman ang ating kasarian at estado sa buhay ay tiyak na dumaan tayo sa ganitong punto. May kanya-kanya tayong basehan ng pagkahanga sa isang tao. Ang gwapo sa akin ay maaaring pangit pala sa iba. Ang mabait sa akin ay boring pala sa iba. Marahil dahil ito sa pagkakaiba-iba natin ng mga gusto sa buhay. Dahil na rin sa mga aspekto na nakakaapekto sa pagkahumaling natin sa isang tao. Tulad na lamang ng kung gaano kayo kadalas magkita at kung gaano kalapit ang distansya ninyo sa isa’t-isa. Hindi ka naman maaaring magkagusto sa isang taong hindi mo pa nakikita. Samakatuwid, ang mga bagay na swak sa akin ay maaaring hindi pala pasok sa trip ng iba.
Ang pagkakaroon ng crush ay maaari nating ihalintulad sa pagsakay natin sa isang roller coaster sa mga sikat na pasyalan. Unang sulyap mo palang sa roller coaster ay tiyak na makakaramdam ka na ng kaba. Kaba na baka sa pagsakay mo rito ay baka mahulog ka dahil sa pangambang hindi matibay ang iyong sasakyan. Sa puntong naka-upo ka na at unti-unti mo nang mararamdaman ang pag-andar ng sinasakyan mo bigla ka nalang makakaramdam ng excitement. Kasabay naman ng pagbagal at biglaang pagbilis ng sinasakyan mo sa bawat matataas na parte ng roller coaster ay mararamdaman mo ang paglakas at pagbilis ng tibok ng puso mo. Bigla bigla ka nalang mapapasigaw sa pagtahak nito sa iba’t ibang kurba na siya nitong sinusundan. Mapapatili ka, mapapahawak sa iyong katabi at kapag nasa kalagitnaan na ay maiisipan mo nalang na umayaw at bumaba na dahil hindi mo na kaya. Sumasabay ang bilis ng roller coaster sa pagkabog ng iyong dibdib. Sa hinaba haba ng mga pangyayari, kapag natanaw mo na ang lugar na pagbababaan mo ay bigla mo nalang mararamdaman na unti unti na palang nawawala yung excitement habang unti unting humihinto ang roller coaster.
Ganyan magkaroon ng isang taong hinahangaan. Makakaramdam ka ng tuwa, takot at kaba at kung minsan ay sasakit pa ang iyong puso sa di mo maipaliwanag na dahilan. Ngunit kapag natapos na ang ilang minutong pagsakay mo sa roller coaster, ngingiti ka nalang at masasabi mo nalang sa sarili mo ang mga katagang, “Nakaya ko.”

No comments:

Post a Comment